Isinulat ng MSD in the Philippines
Breast cancer o kanser sa suso ang isa sa mga pinaka-karaniwang kanser sa mundo. Apektado ang humigit-kumulang 2.3 milyong tao kada taon. Isa sa bawat walong kaso ng kanser sa lahat ng kasarian ay maaaring breast cancer; bumubuo rin ito ng isang-kapat (o ¼) ng lahat ng kaso ng kanser sa kababaihan. Kadalasan, ang mga bansang may limitadong access sa medical resources, at kakulangan sa kamalayan at kaalaman sa kanser sa suso, ay may mataas na antas ng kamatayan. Itong kakulangan na ito ay nagiging sanhi ng pagka-diagnose sa huling yugto na lamang ng sakit na ito, kung saan malaki ang posibilidad na ikamatay na ito ng pasyente.
Sa Pilipinas, iniulat ng World Health Organization ang 33,079 kaso ng kanser sa suso noong 2022 – isa sa pinakamataas na bilang ng kaso sa Asya. Halos 65 porsyento ng mga kaso ng kanser sa suso sa Pilipinas ay na-diagnose sa mga huling yugto dahil sa kakulangan ng sapat at maagang pagsusuri, na nagdudulot ng mababang survival rate na 44.4 porsyento sa loob lamang ng limang taon.
Ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kanser sa suso ay nagbubukas ng daan para sa maagang pagtuklas, paggamot, at sa mas mataas na survival rate. Alamin ang mga palatandaan at sintomas ng kanser sa suso, kung ano ang gagawin kapag nakaramdam ng bukol, ano ang dapat asahan sa paggamot, at kung paano makatutulong sa sarili at sa iba.
Anu-ano ang mga Sintomas ng Kanser sa Suso na Dapat Kong Malaman?
Mahalaga ang pagiging mulat sa anumang pagbabago sa pisikal na anyo ng iyong mga suso. May mga tao ring walang kapansin-pansing sintomas o palatandaan ng kanser sa suso hanggang sa ito ay lumala na lamang. Tandaan na hindi pare-pareho ang sintomas ng kanser sa suso sa bawat tao.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng kanser sa suso. Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga ito, mahalaga na h’wag mag atubili at agad na kumonsulta sa doktor:
- Bagong bukol o pagkapal sa suso o sa ilalim ng kilikili
- Pamamaga, kahit walang bukol
- Pagbabago sa laki, hugis, o hitsura ng suso (maaaring lumaki o lumaylay ang isa)
- Dimpling ng balat (katulad ng balat ng isang orange)
- Pagbabago sa utong tulad ng pananakit, pagbaliktad, o pangangati nito
- Hindi karaniwang discharge mula sa utong, lalo na kung may kasamang dugo
Ano ang Sanhi ng Kanser sa Suso?
Ang kanser sa suso ay nagsisimula sa pagkasira sa DNA ng isang selula. Maaaring ito ay dulot ng mga salik sa kapaligiran, genetics, o kumbinasyon ng dalawa.
Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa suso kung ang iyong ina, kapatid na babae, o anak ay na-diagnose na ng kanser sa obaryo o suso. Kung na-diagnose ang miyembro ng pamilya bago ang edad na limampu (50), mas mataas ang panganib ng pagkakaroon ng kanser.
Mga Uri ng Kanser sa Suso
Ang kanser sa suso ay hindi lamang isang uri– maraming klase ito. Narito ang ilan sa mga karaniwang uri:
- Luminal A – mayroong estrogen (ER) at/o progesterone (PR) receptors kung tawagin, and wala namang human epidermal growth factor (HER2) receptor. Ang uri na ito ay karaniwang may pinakamaayos na prognosis, mas mababang tyansang mag-relapse, at mas mataas ang survival rate.
- Luminal B – ER positive (ER+) at maaaring PR negative (PR-) kung tawagin, ang prognosis ng subtype na ito ay maituturing na mas malala kumpara sa Luminal A subtypes.
- HER2+ – mataas ang HER2, at ang ER at PR receptors kung tawagin ay wala. Ang subtype na ito ay bumubuo ng nasa 10-15% ng mga kanser sa suso.
- Triple-Negative Breast Cancer (TNBC) – Isang agresibong uri ng kanser na hindi kaya ng hormone-based na mga paggamot kaya’t mas mahirap gamutin. Ito ay ER, PR, and HER2-negative kung tawagin. Dalawampung porsiyento ng mga kanser sa suso ang may ganitong uri.
Ano ang Dapat Kong Asahan sa Pag-diagnose ng Kanser sa Suso?
Ang maaga na diagnosis ng kanser sa suso ay maaaring magdulot ng mas magandang resulta sa paggamot at makatulong sa pagbawas ng pangmatagalang gastusin sa kalusugan. Ang mga karaniwang paraan ng pagsusuri ay mammogram, ultrasound, biopsy, at MRI.
Ang mammogram ay isang X-ray exam ng tisyu ng suso para makita kung mayroong abnormalities. Ang ultrasound ay gumagamit ng sound waves upang masuri ang mas malalim na bahagi ng suso at makita ang mga bukol. Ang biopsy ay sinusuri ang tissue samples para malaman kung nagdudulot ng kanser ang bukol, habang ang MRI ay nagbibigay ng detalyadong imahe ng estruktura ng suso.
Kung makakita ka ng bukol o makaramdam ng mga sintomas, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang mammogram o iba pang pagsusuri. Maaari ring magrekomenda ng biopsy. Kung kumpirmado na na mayroon kanser sa suso, may mga karagdagang pagsusuri na kinakailangan para malaman ang uri, yugto, at receptor status ng kanser, na gagabay sa iyong paggamot o treatment plan.
Magkano ang Breast Cancer Screening sa Pilipinas?
Maaaring mag-iba ang magagastos ng pagsusuri at diagnosis ng kanser sa suso sa Pilipinas—-depende sa ospital o medikal na pasilidad. Ayon sa Department of Health, ang mga gastos sa pagsusuri ay nasa PHP500 hanggang PHP10,000. Mahalaga na magtanong sa iyong healthcare provider o pinakamalapit na cancer centers upang malaman ang eksaktong presyo. Maaaring makatulong ang pakikipag-ugnayan sa health insurance provider, dahil maaaring hindi sakop ng ilang HMO ang mga gastos sa biopsy o iba pang screening. Upang makatipid, maaaring magtanong tungkol sa mga package o diskwento na inaalok ng mga ospital at klinika.
Ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay naglabas ng Z benefits noong 2012. Ang Z benefits ay nagbibigay tulong pinansyal sa mga may kapansanan gaya ng kanser sa suso. Makipagugnayan sa pinakamalapit na PhilHealth Z benefits provider sa iyong lugar para sa karagdagang impormasyon.
Kung Maaga Kong Natuklasan ang Kanser sa Suso, Makakatulong Ba Ito Sa Chances of Survival Ko?
Ang maagang pagtuklas sa kanser ng suso ay makakatulong para tumaas ang pagkakataon sa matagumpay na paggamot. Heto ang mga kailangan mong gawin para maging proactive:
- Buwanang pagsusuri sa sarili: Suriin ang iyong suso buwan-buwan, mas mainam isang linggo matapos ang regla kung ikaw ay may buwanang dalaw. Nakakatulong ito upang maging pamilyar ka sa anumang mga pisikal na pagbabago.
- Regular na mammogram: Inirerekomenda ng karamihan ng mga healthcare provider ang mammogram edad 40 pataas, ngunit maaaring mas maaga kung mas mataas ang tsansa mong magkaroon ng kanser sa suso.
- Mga clinical exam: Ang regular na check-up ay nakakatulong dahil maagang natutukoy ng doktor ang mga bukol at iba pang mga palatandaan ng problema, at maaaring mas maaga itong maagapan.
Anu-ano ang mga Maaaring Lunas o Treatment Options?
Kapag na-diagnose na, ang sumusunod ang iyong mga opsyon sa paggamot:
- Surgery: Maaaring alisin ang bukol (lumpectomy) o ang buong suso (mastectomy), depende sa laki at lokasyon ng kanser.
- Radiation Therapy: Ginagamit pagkatapos ng surgery upang ma-target ang natitirang mga kanser na selula.
- Chemotherapy: Karaniwang ginagamit para sa mga agresibo o advanced na kanser para pigilan ang mga selulang masyadong mabilis lumaganap, kabilang na ang cancer cells.
- Hormone Therapy: Para sa mga hormone receptor-positive na kanser, ang paggamot na ito ay nakakabawas sa epekto ng hormone sa katawan, na nagpapabagal sa paglaki ng kanser.
- Targeted Therapy: Isang mas bagong pamamaraan na naglalayong i-target ang partikular na mga marker ng kanser na selula.
- Immunotherapy: Pinapalakas ng immunotherapy ang natural na kakayahan ng immune system na labanan ang kanser sa pamamagitan ng pagpapahusay ng tugon nito sa mga selula ng kanser.
Buhay Pagkatapos ng Kanser sa Suso
Hindi dapat panghinaan ng loob kung ikaw man ay nadiagnose ng kanser sa suso. Mararami ring mga pasyente ang gumagaling sa sakit na ito. Basta’t kailangan lang ng regular na check-up, pagbabago sa pamumuhay o lifestyle, at kung minsan ay patuloy na mga paggamot upang maiwasan ang panganib ng pagbabalik ng sakit.
Ang pagkakaroon ng suporta mula sa pamilya, mga kaibigan, at healthcare professionals ay makakatulong sa pananatiling malusog.
Umaksyon na Ngayon!
Ang kanser sa suso ay isang malaking hamon sa buhay, ngunit hindi pa huli ang lahat– ang maagang pagtuklas ang susi sa agarang paggamot. Huwag balewalain ang mga sintomas, at hikayatin ang iyong mga mahal sa buhay na maging maalam at magpa-check-up palagi. Ang pagiging proactive at maalam sa mga pagbabago sa iyong katawan ay isa sa pinaka-epektibong paraan upang mapangalagaan ang iyong kalusugan laban sa kanser sa suso.
PH-NON-01081