Isinulat ng MSD in the Philippines
Ang cervical cancer ay nabubuo sa ibabaw ng cervix kapag ang normal na mga selula ay nagiging precancerous o abnormal. Ang pagbabagong ito ay kadalasang dulot ng impeksyon mula sa human papillomavirus (HPV), isang virus na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Ang cervical cancer ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser at ikalawang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga kababaihan sa edad na 15 hanggang 44 taong gulang sa buong mundo. Sa Pilipinas, ito rin ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa kababaihan, kung saan humigit-kumulang 7,897 ang nada-diagnose bawat taon. Sa kasamaang-palad, 4,052 ang namamatay dahil dito taun-taon, ayon sa 2023 fact sheet ng HPV Information Centre.
Kahit na nakamamatay ang cervical cancer, pwede pa rin namang bawasan ang iyong tsansa na makuha ito. Ito ay sa pamamagitan ng pagiging maagap—regular na sumailalim sa mga screening tulad ng Pap smear at protektahan ang sarili gamit ang HPV vaccine.
Ano Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Cervical Cancer?
Ang matagalang impeksyon mula sa mga high-risk na uri ng HPV ang pangunahing sanhi ng halos lahat ng cervical cancer. HPV 16 at HPV 18—aalawang high-risk na uri ng HPV—ang sanhi ng 70% ng cervical cancer sa buong mundo.
Kadalasan, ang cervical cancer ay nagsisimula sa dalawang uri ng selula: squamous cells, na bumubuo sa panlabas na bahagi ng cervix, na nagreresulta sa squamous cell carcinoma, o glandular cells sa loob ng cervix, na nagdudulot ng adenocarcinoma. May mga pagkakataong pareho o wala sa dalawang uri ng selula ang apektado.
Ano Ang Mga Sintomas ng Cervical Cancer?
Karaniwang walang palatandaan ang cervical cancer hangga’t hindi ito kumakalat, kaya mahalaga ang regular na screening at pagbabakuna laban sa HPV. Narito ang ilan lamang sa mga karaniwang sintomas:
- Hindi pangkaraniwang pagdurugo mula sa ari
- Mabaho at madugong discharge
- Spotting sa pagitan ng regla
- Pananakit sa likod at/o balakang
- Sakit at pagdurugo tuwing nakikipagtalik
Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga sintomas na ito, agad na kumonsulta sa doktor.
Ano Ang Risk Factors ng Cervical Cancer?
Madalasan at hindi protektadong pakikipagtalik sa iba’t ibang partner ay isa sa pangkaraniwang sanhi o risk factor ng HPV at cervical cancer. Narito ang iba pang risk factors:
- Impeksyon mula sa iba pang sexually transmitted diseases
- Maagang pagsisimula ng pakikipagtalik
- Pangmatagalang paggamit ng oral contraceptives (5+ taon)
- Edad (mas mababa ang tsansa na makuha ito ng mga mas batang babae)
- Pagkakaroon ng kondisyon na nagpapahina ng immune system
- Paninigarilyo
- Obesity
Paano Ko Maiiwasan ang Cervical Cancer?
Ang cervical cancer ay maaaring maiwasan at magamot kung maagang nada-diagnose. Ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng HPV vaccination, regular na screening, at maagap na paggamot sa mga natuklasang abnormalidad.
HPV Vaccination
Ang bakunang HPV ay ligtas at epektibong paraan upang maiwasan ang cervical cancer. Sumangguni sa inyong healthcare provider kung gusto mo magpabakuna. Paalala din na hindi ginagamot ng HPV vaccine ang eksistidong impeksyon ng HPV.
Kailan Dapat Magpabakuna
Ang bakuna ay pinakamainam na ibigay bago magsimula ang isang tao sa pakikipagtalik. Inirerekomenda ng CDC ang pagbabakuna para sa mga batang lalaki at babae sa edad 11 o 12, at maaaring simulan mula edad 9. Para sa mga hindi nakapagpabakuna, maaari pa ring magpabakuna hanggang edad 26. Ang mga nasa pagitan ng edad 27 at 45 ay maaaring magpabakuna base sa rekomendasyon ng doktor.
Screening para sa Cervical Cancer
Bagaman nagbibigay ng malaking proteksyon ang HPV vaccination, hindi nito saklaw lahat ng uri ng HPV na nagdudulot ng cervical cancer. Mahalaga ang regular na screening tulad ng:
- HPV test – Natutukoy ang high-risk na impeksyon sa HPV.
- Pap smear – Nadidiskubre ang abnormal na pagbabago sa mga selula ng cervix.
Maaari ding sumangguni sa inyong mga healthcare provider para sa iba pang screening options.
Ang screening ay dapat magsimula sa may 20 taong gulang pataas, at magkaroon ng mga follow-up para masigurong maagapan ang anumang abnormalidad. Subalit maaaring magkaroon ng pagsubok dahil sa kakulangan sa healthcare access; may mga populasyong maaaring hindi makapag-screening at follow-up kaya mas tumataas ang kanilang risk.
Paggamit ng Condom at Pag-iwas sa HPV
Ang paggamit ng condom sa pakikipagtalik ay makakatulong na makabawas sa risk ng sexually transmitted infections, kabilang na ang HPV. Ngunit hindi nito ikaw lubos na mapoprotektahan. Maaari pa ding makuha ang HPV infection sa pamamagitan ng skin-to-skin contact sa iba pang mga bahagi ng katawang hindi natatakpan ng condom.
90-70-90 Initiative ng WHO
Ang cervical cancer ay maiiwasan at magagamot kung maagang matutuklasan. Sa kabila nito, nagdudulot ito ng halos 350,000 pagkamatay nito lamang 2022. Karamihan sa mga kasong ito (94%) ay nangyari sa mga bansang mababa at katamtaman ang kita, kung saan kulang ang serbisyong pangkalusugan at limitado ang mga programa para sa screening.
Bilang tugon sa pagkukulang na ito, inilunsad ng World Health Organization (WHO) ang Cervical Cancer Elimination Initiative noong 2018. Naglatag ito ng mga layunin upang tuluyang mapuksa ang cervical cancer bilang problema sa pampublikong kalusugan. Layon ng inisyatibo na ibaba ang kaso ng sakit sa mas mababa sa 4 kada 100,000 kababaihan sa pamamagitan ng estratehiyang “90-70-90”:
- Bakuna: Tiyakin na 90% ng mga batang babae ay nabakunahan ng HPV bago mag-15 taong gulang.
- Screening: Magsagawa ng screening para sa 70% ng kababaihan gamit ang mga epektibong pagsusuri sa edad na 35 at 45.
- Gamutin: Magbigay ng lunas para sa 90% ng mga kababaihan na may pre-cancer at invasive cancer.
Ang pagkamit ng mga target na ito sa 2030 ay mahalaga upang mailagay ang mga bansa sa tamang landas para mapuksa ang cervical cancer sa loob ng siglo.
Bilang suporta sa inisyatibong ito, idinaos kamakailan ng Pilipinas ang kauna-unahang Cervical Cancer Elimination Summit na pinamagatang “One Community Against HPV.” Binanggit ng mga eksperto sa summit ang agarang pangangailangan na pabilisin ang pagbabakuna at screening. Sa kasalukuyan, nananatiling mababa ang bilang ng mga nabakunahan kontra HPV sa bansa, na nagdidiin sa kahalagahan ng patuloy na kamalayan at aksyon.
Nangununa Sa Laban Sa Cervical Cancer
Ang MSD Philippines ay nasa unahan ng mga inisyatiba upang labanan ang cervical cancer. Kabilang sa aming mga programa ang:
- Mga kampanya sa pampublikong edukasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa HPV at kahalagahan ng pagbabakuna.
- Pakikipagtulungan sa mga tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan upang mapalawak ang abot ng bakuna at mga screening.
- Pagsasagawa ng mga kaganapan tulad ng kampanyang “Di Mo DeCerv”, na nagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad sa pamamagitan ng kaalaman at akses sa pangangalaga kontra cervical cancer.
Ang mga programang ito ay nakahanay sa mga layunin ng pandaigdigang kampanya upang tuluyang mapuksa ang cervical cancer, at hinihikayat ang bawat Pilipino na gumawa ng mga hakbang pang-prebensyon ngayon.
Ang paglaban sa cervical cancer ay nangangailangan ng komprehensibong hakbang: maagang pagbabakuna, regular na screening, at pagresolba sa mga hadlang sa serbisyong pangkalusugan. Hikayatin ang iyong pamilya at kaibigan na magpabakuna at sumailalim sa screening—maaari itong makapagsalba ng buhay.
PH-NON-01084